Tue, 27 Oct 2020

Tagalog News: Mimaropa, nananatiling ASF-free

Philippine Information Agency
17 Sep 2020, 22:38 GMT+10

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Setyembre 17 (PIA) -- Binigyang-diin ni Regional Technical Director Elmer T. Ferry, African Swine fever (ASF) Focal Person ng Department of Agriculture (DA) Mimaropa na nananatili pa ring ligtas sa African Swine Fever o ASF-free ang rehiyong Mimaropa magmula nang outbreak nito noong Setyembre 2019.

Ayon kay RTD Ferry, "malaking tulong ang pagsasagawa ng DA-Mimaropa ng emergency meeting tungkol sa ASF sa pangunguna ni Regional Executive Director Antonio Gerundio kasama ang mga Provincial at City Veterinary Office, Bureau of Animal Industry (BAI), National Meat Inspection Service (NMIS) at BAI-National Veterinary Quarantine Services".

Ipinabatid rin ni Dr. Vida Francisco, Veterinarian II ng Kagawaran na ang Regulatory Division ng Regional Office ay katuwang ang mga veterinarians at livestock technicians ng mga Local Government Units (LGUs) sa pag-inspeksyon at pagmonitor sa mga nag-aalaga ng baboy sa rehiyon upang masiguro ang kalagayan ng mga baboy sa kanilang mga lugar. Agarang inuulat sa DA Mimaropa ang anumang kondisyon na nagpapakita ng sintomas ng ASF.

Alinsunod nito, nagsasagawa rin ng inspeksyon ng karneng baboy at meat by-products tulad ng de-lata sa mga palengke, supermarket at malls ang mga LGUs. Ang mga barangay sa baybayin ay pinulong din ng mga lokal na pamahalaan katuwang ang mga opisyal ng barangay upang mahigpit na bantayan ang mga biyaherong naghahatid ng mga mga produkto mula sa ibang lugar.

Sa bisa ng Executive Order (EO) ng mga probinsya sa rehiyon na agarang nagdeklara ng "lockdown" ay napanatiling ligtas ang rehiyon sa ASF. Ang EO ay mahigpit na nagbabawal sa pagpasok ng buhay na baboy, baboy-ilang, naprosesong karne ng baboy at mga produkto o pagkain na may sangkap mula sa karneng baboy sa lahat ng probinsya ng Mimaropa. Ito ang napagkasunduan ng DA Mimaropa, BAI, NMIS, BAI-NVQS at ng mga Provincial at City Veterinary Office ng bawat probinsya upang maiwasan ang pagpasok ng sakit sa rehiyon.

Sa isang banda, sa bisa ng naamyendahang EO ng gobernador ng Occidental Mindoro, ang pagbiyahe ng kataying baboy sa karatig-probinsya ng Occidental Mindoro at Oriental Mindoro ay pinayagan upang matugunan ang pangangailangan sa karneng baboy. Ayon kay Dr. Kristofferson B. Gonzales, Provincial Veterinarian ng Occidental Mindoro, "ang mga biyahe ng baboy na ito ay kinakailangang may mga kaukulang dokumento patungkol sa pagbibiyahe ng hayop o kuwarantina".

Bunsod ng umiiral na EO, naging maigting ang pagbabantay sa mga pantalan ng bawat lalawigan at paliparan. Gayundin ang pagkumpiska, pagtapon at pagpapabalik ng mga meat products sa mga pinagmulan nito.

Mariin ring ipinatutupad ang mandatory inspection sa mga sasakyan, bagahe ng mga pasahero mula sa Luzon, ang pagasasagawa ng spraying at pagdisimpekta sa mga sasakyang galing sa barko upang masiguro ang pag-iingat sa mga hangganan ng bawat probinsya at pagkakaroon ng checkpoints bago makapasok sa isang lugar.

Sa Marinduque, mayroong pasabuy at online seller task force na mahigpit na binabantayan ang mga facebook groups at pages upang mamonitor ang mga pagbebenta o pag-aangkat ng mga produktong baboy mula sa ibang prosinsya.

Samantala, tumaas naman ang kita ng mga hog raisers sa Puerto Princesa City dahil sa pagtaas ng farm gate price mula ng ipagbawal ang pagpasok ng karneng baboy sa probinsya, giit ni Dr. Indira Santiago, City Veterinarian ng nasabing lungsod.

Magpapatuloy ang pagsasagawa ng ASF Awareness Campaign ng bawat lalawigan sa rehiyon sa pangunguna ng Provincial Veterinary Office sa mga Municipal Agriculture Office at hog raisers upang ipalaganap ang kaalaman sa masamang epekto at panganib ng ASF sakaling makapasok ang sakit sa kanilang mga probinsya.

Ilan sa mga tagubilin sa mamamayan lalo na sa mga magbababoy ni Dr. Gonzales ng Occidental Mindoro, "huwag magpakain ng kaning-baboy sa inyong mga alagang baboy. Itapon sa tamang lugar ang kaning-baboy. Ipagbigay alam agad sa barangay council, Municipal Agriculture o Veterinary Office o sa Provincial Veterinary Office ang anumang pagkakasakit o pagkamatay ng baboy sa inyong lugar".

Ayon sa ahensya, mananatili ang pagsasahimpapawid ng mga anunsyo at babala ukol sa ASF ng mga lokal at nasyunal na tagapag-balita, sa mga lokal na istasyon ng radyo sa limang probinsya ng lalawigan. Naglagay rin ng mga tarpaulins sa mga naangkop na lokasyon at ang pamimigay ng mga babasahin upang mapanatiling ligtas ang Mimaropa sa ASF. (LC/PIAMimaropa/Calapan)

More Africa News

Access More

Sign up for Sudan News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!